Magmula nung ako ay nagkamalay, sa mga nakita ko noon sa magulang ko at sa nakatatanda kong mga kapatid, nagkaroon na ako ng ideya kung ano ako sa mundong ito. Mahirap, masikip, at magulo ang kinalakihan kong buhay. Yung maitim kong balat ang makapagsasabi sa iyo kung gaano kasangsang ang lugar na kinalakhan ko. Sa pagdaan ng panahon, nasanay na rin akong tanggapin kung ano ako. Ngunit madalas pa rin sa minsan, pakitingin ko ay mababang-uri kami sa iba.
Mistula kaming busabos. Palagi kaming nang-aapuhap may masimot lang na ipangtawid-gutom. Isa sa mga natatandaan ko noon, sa maliit na isdang bangus na nakulimbat ni nanay doon sa lugar na kinalakihan namin, kadalasan pinag-aagawan pa namin itong magkakapatid, at dahil ako ang bunso at pinakamaliit, lagi akong nauubusan ng makakain. Malamnan lang ang tiyan ko, sinisimot ko na lang ang tirang pagkain nila. ‘Yung mga nakatatanda kong kapatid, basta bundat na wala na silang pakialam sa akin.
Sa totoo lang, tinabangan na rin ako sa kanila…noon. Pero nung nangawala na yung iba sa kanila, mas natanggap ko na kung ano ako at ano ang layunin ko sa buhay. Samakatuwid, mas kilala ko na ang sarili ko ngayon at nauunawaan ko kung bakit ganoon ang ugaling-likas ng aking mga kapatid.
Hindi ko lang matanto kung sa pangatlong kabilugan ng buwan ng taong yun nang huli kong makita si tatay. Hindi na siya bumalik, bata pa kasi ako noon kaya walang namutawing hinanakit sa loob ko, pero siyempre bata, hinanap-hanap ko pa rin ang presensiya niya ng mga ilang araw matapos ang hindi niya pag-uwi sa amin. Dinadala na ni nanay sa tiyan ang mga nakababata kong kapatid noong nawala si tatay. Pero pakiwari ko, tila hindi naman dinamdam masyado ni nanay ang paglisan ni tatay.
Batid ko sapul magkamalay ako, sa buhay namin kailangan kaming magbanat nang buto at magsumikap (na makipaglaban) para hindi kami magutom…
Nalimutan ko pala, kailangan mo ring maging matapang at matigas dahil sa lugar namin, paglalamya-lamya ka, ikaw ang talo! Minsan nga sa katangian pang ito nakasalalay ang buhay mo. Totoo yun, walang biro.
Ilan nang kasing-idad kong kabarkada sa lugar namin ang nakita kong nakalutang sa me tabing-ilog noon, walang buhay at pinagpipistahan ng mga kauri ko. Nakatihaya, butas ang tiyan, yung mga mata dahil malambot, inuka at wala na.
Wala naman akong pinagkaiba doon sa sawing-palad kong mga kabarkada, lilisan din ako. Yun nga lang, ako matitigok para sa kasiyahan ng mga tao. Sabi nila kinyentos pesos ang kada timbang namin, at depende rin sa laki namin.
Kagabi pa pala itinali ang mga sipit ko - matapos akong pinawin sa maputik at masangsang na pispand na kinalakhan ko, nung mag-amang nagbebenta sa amin (natiklo kasi ako at nakasama sa lambat nang pawalan at igahin nila ang tubig palabas sa pispand). Ang hinala ko ginagawa ito ng mga tao tuwing makailang buwan ng taon, kapag sapat na sa timbang at puwede ng ibenta iyung mga kauri kong bangus at sugpo.
Kanina pa ring umaga ako ipinag-aalukan at nakabitin sa mahabang dos por dos na kokonat lamber dito sa tabi ng highway pa-Maynila at dahil sa init ng araw, panay na ang bula ng bibig ko. Ang lintek na binatilyong tindero, inihian pa kami! Paliwanag kasi sa kanya, at narinig ko, ‘yung ihi daw ng tao ay kahalintulad ng tubig-alat kaya mas magtatagal pa kaming buhay at sariwa! Kasama ko sa bungkos ay yung dalawa kong kapatid at yung matandang ina nung kahabulan ko noon dun sa maputik na ibayo ng pispand.
Yung kaninang bumaba sa kotse ay ang kuripot na intsik na interesado kaming pakyawin! Panay na ang tawad sa presyo, panay pa ang sulyap sa malaman kong sipit! Ang dalawa kong kapatid, ayun hilo na sa ilang ulit na kaba-baligtad ng walanghiyang singkit na yun para siguruhin lang kung babae o lalaki yung kapatid ko. Ha ha ha!
Siguro habang binabasa ninyo ito ngayon ay naihagis na ako sa kumukulong tubig sa kaldero ng intsik na yun at ang maitim kong balat ay napalitan na ng pulang kulay; ngunit ganoon nga ang silbi namin sa mundong ito. At siguro kung may “seafoods heaven” ay nandoon na ako ngayon, kasama ni tatay at ang mga nakatatanda kong kapatid (na naunang nabitag sa lambat, piho ko), at ng iba pang mga kauri kong lamang-dagat…
Salamat,
Ang binatilyong alimango
—–
Footnote -
It seems unusual at first, but I came up with this write up because when I was a child, I was too absorbed to the idea of how different life it must be for these crustacean creatures (i.e., the alimango) existing only for human consumption. I wrote it in an open-letter approach and created some partially revealing climactic part to build up exciting episodes. Hope you like it! - the author
COPYRIGHT RESERVED TO THE AUTHOR. PERMISSION REQUIRED TO REPRODUCE.
Post a Comment